Whose to blame?
Pinagtibay ng Kuwaiti Supreme Court ang hatol na bitay kay Marilou Ranario.
Isa na namang OFW ang nahatulan ng kamatayan, isang makabagong bayani na naman ang magbubuwis ng buhay. Pang-ilan na ba si Marilou? Siguro nakalimutan na natin kung ilan na sila.
Taon-taon libo-libong Pilipino ang sumusugal para mag-trabaho sa ibayong dagat, maraming kwento ng tagumpay at marami din namang malungkot na karanasan. Mas marami pang kwento ang hindi nabibigyan ng pansin, maraming hindi naibabalita. Bilang isang dating OFW, alam ko ang paghihirap na dinaranas ng mga kababayan natin sa ibayong dagat, maraming kwento na rin akong narinig at hindi lahat ay masaya, mga kwento ng di pagbabayad ng sahod, ng pang-aabuso, pananakit at marami pang iba.
Ang kwento ni Marilou ay hindi isolated, maraming katulad nya ang nanatiling tahimik, pinilit na ikibit balikat na lang ang pang-aabuso kapalit ng pananatili sa hanap-buhay. Mga kababayan nating kayang tanggapin tawaging stupid, baka1, mukh mafi2 at kung anu-ano pang masasakit na salita kapalit ng kapirangot na sweldong tinatanggap.
Habang patuloy ang bangayan at pagtuwid ng hintuturo upang ipasa ang sisi sa iba kung kani-kanino, habang patuloy ang rigodon at pagtatangkang palitan ang namumuno sa pamahalaan, patuloy din ang exodus ng mga manggagawa patungo sa bansang handang tumanggap at nanganga-ilangan ng kanilang serbisyo.
Mga Juan at Mariang naghahangad ng pagbuti ng kanilang kabuhayan.
Mga manggagawang hindi mapagkasya ang maliit na minimum na sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pangangailan upang mabuhay. Silang mga kabataang hindi binigyan ng kasiguruhan sa hanapbuhay, na tumatanggap ng endo3 notice bago dumating ang ika-anim na buwan nila sa pagta-trabaho.
Mga magsasakang mas ninais na isanla ang lupa upang subukan ang kapalaran sa ibayong dagat. Silang maglulupa na tila hindi inaabot (kung meron man) ng suporta mula sa pamahalaan. Silang sa hinahaba-habang panahon ng pagpapa-alipin sa lupa ay wala pa ring lupang pag-aari.
Mga propesyunal na sa gitna ng kanilang kagalingan sa kanilang piniling propesyon ay hindi nabibigyan ng pagkakataong mapabuti ang kanilang buhay.
Mga kababaihang ang tanging nakikitang paraan upang iahon ang buhay ay magsilbing taga-aliw sa Japan, mag-alaga ng anak ng iba sa Hong Kong, Singapore, Gitnang Silangan at iba pang bansa.
Nakalulungkot lang na sa gitna ng malaking kapanibangan nila sa bansa, tila nakalimutan na silang bigyan ng pansin. Sa ganitong pagkakataon, tila mas madaling ituro kung sino ang may kasalanan kaysa alamin kung ano ang dapat gawin. Na imbes na tukuyin ang ugat ng suliranin ay mas madaling sabihin kung sino ang may kasalanan.
Sa nakikita ko, hindi si Marilou ang huli, marami pang susunod sa kanya, hangga’t hindi tayo natututo, mananatili ang ganitong siklo. Ano na nga ba ang ginagawa natin upang pigilan ang pag-alis ng mga kababayan natin para magtrabaho sa ibang bansa? Nakatuon ba ang sinasabing pag-unlad upang paunlarin din ang buhay ng mga mamamayan? Hangga’t hindi natin nasasabing nangyayari ito, nakalulungkot mang sabihin pero malayo pang matapos ang ganitong karahasan sa ating mga kababayan.



Kung hindi naman makikipag sapalaran si Juan o Maria sa ibang bansa para kumita, maari syang mabuhay pero hindi nya mabibigyan ng konti kaginhawahan ang kanyang mga anak. Malamang sa hindi, ang mga anak di makakapag kolehiyo man lang. Tatay at nanay ko naging OFW din kaya nakakarelate ako sa buhay ng OFW families. Naaawa nga ako sa kanila kasi ang baba ng palit ng Peso sa USD, ang laki ng kaltas sa kita nila yon.
Yun lang.
mahirap manisi sa bagay na ito, pero isa lang ang masasabi ko, nakaaawa ang mga Bayaning Pinoy OFW na nasasadlak sa ganitong sitwasyon.